
Bakit Ako Nagsusulat Online?
- Ezekiel T. Sarmiento

- Hul 19, 2024
- 2 (na) min nang nabasa
Ang pagsusulat ay hindi dapat minamadali, dapat pinaglalaanan ng oras, momento, sapat na kaalaman, at syempre damdamin.
Ang damdamin ay ang nagsisilbing buhay ng isang artikulo o sulatin kung kaya’t naaayon sa damdamin ng manunulat ang buong kahulugan ng kanyang sulat.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay gusto kong magsulat. Sa katunayan, halos sa lahat ng pagkakataon ay ayoko. Pero sadyang darating talaga ang mga momentong napakaraming mga salita ang maglalaro sa aking isipan maging ako man ay nasa labas, naglalakad, tumatakbo, sumasakay ng jeep at sa maging ako lamang ay nakatayo.
BAKIT AKO NAGSUSULAT?
Mariin ko ring pinag isipan ang tanong na ito. Bakit nga ba ako nagsusulat?Kung sasagutin ko ito basi sa ginawa kong sulat ngayon, isa lang naman ang rason kung bakit ako’y nagsusulat ngayon at yun ay ang makakomplay sa pinagawang takdang aralin at nang sa gayo’y maka graduate! Pero nais kung sagutin ang tanong na ito sa kabuuan.
Ang pagsusulat ay isang nakakapanabik na gawain. Kumbaga’y ito ay nakakapag artikuleyt ng isip at maging ng damdamin. Ako ay isang taong matipid magsalita kung kaya’t sa pamamaraang ito, nadiskubre ko na mas nailalahad ko ang mga bagay-bagay at damdamin na hindi ko kayang ipalabas gamit ang aking bibig.
Mas napagtanto ko na mas napaparating ko ng maayos ang aking saloobin patungo sa isang tao sa pamamagitan nito.
Ako’y nagsusulat hindi para makarinig ng isang puri kundi nagsusulat ako dahil gusto kong hindi nasasayang ang aking mga naiisip na salita at mga damdamin na aking nararamdaman sa isang pangyayari, masaya man o hindi.
Nais ko na sa paglipas ng panahon ay mananatili ang diwa ng mga salita sa aking puso’t isipan kapag ito’y mababasa kong muli dahil mas nagiging malalim para sa akin ang kahulugan ng isang salita kapag ito’y mananatiling nakasulat sa isang papel sa mahabang panahon.
BAKIT AKO NAGSUSULAT?
Ako’y nagsusulat para sa aking kasaysayan (kasaysayan ng aking damdamin at isipan)
Mga Komento